Gracio, Jerry B. Apokripos. Quezon City: University of the Philippines Press, 2006.
1. Pangit ang mga tula sa una at ikalawang bahagi ng koleksiyon. Gasgas na ang mga imaheng ginamit at karaniwan ang mga ideya gaya ng sa “Lobo” (4): “Kung kulubot na ako at impis, / saka natin pag-usapan ang pab-ibig”; sa “Sa Pier 14” (5): “Ako pa rin sana ang maging pantalan mo / Tuwing dadaong ang iyong puso / Kahit na sa malayong pulo”; sa “Paglilinaw sa Ilang Bagay” (11): “Basta ang importante’y magkasama tayo: / Ikaw, / Ako”; at sa iba pang mga tula.
2. Halos lahat ng mga tula sa una at ikalawang bahagi ay nagtatapos na wala sa tugma at/o tunog at hindi bagay ang mga huling linya kung ikukumpara sa mga nauna. Halimbawa sa tulang “Pagpapalipas Oras” (8), ang mga unang linya’y “Gaano kahaba ang mga sandali? / Sa bukid, tumutubo angmga binhi, / ang dating abuhing lupa, / Nakukumutan ng ng lunti.” Samantala, ang magiging kongklusyong mga linya ay “Ang paghihintay sa minamahal ay sintagal lamang / ng kakayahan ng pusong magpatuloy sa pagtibok.” Magkakatunog ang mga unang linya habang para namang pinakawalan nang walang kagatol-gatol ang mga huli.
3. Nakabawi naman si Gracio sa ikatlo at ikaapat na bahagi ng koleksiyon (at sa isang tula sa ikalawang bahagi). Sa “Paglalanggas” (36), naging akma ang paggamit ng eksaherasyon at bulgar na wika sa paglalarawan sa karanasan ng paglalanggas. Subalit kung gaano naman kagaspang ang mga imahen, siya namang lamyos ng hagod ng mga salita sa mga linyang “Ngayon, ang pinagmulan ko ay may sugat; / Nais ko itong maghilom kaya ako ang naglalanggas.”
4. Maselan naman ang hawak sa salita sa paglalarawan ng erotikong sitwasyon sa “Monologo ng Birhen”(54). Mapagtimpi ang paglalarawan kaya naiiwang nag-aabang ang mambabasa sa nais na ihayag ng tula habang kinakaligkig ang laman sa kung ano ang ibig sabihin ng mga linya na sa huli’y mauuwi sa makapigil hiningang: “Nang papasukin kita sa loob ng silid, / Namatay ang ilaw, kahit di ko ibig. / At nang humikbi ang sahig, / Naging kulay pula ang langit.”
5. Naisilid sa mahabang tulang “Pasalubong” (60) ang mga partikular na karaniwang pangyayari sa buhay ng maybahay. Sa kontextong ito, taliwas ang magiging pasalubong ng babae sa kanyang asawa, hindi ang inaasahang walis kundi ang pangkamot na kahoy. Hindi tahasan ang pagsisiwalat ng persona kundi dahan-dahang paglabas ng saloobin, pagpaparamdam, pagpapasaring, at sa huli, pang-iiwan, tahimik na pagsuway sa karaniwang inaasahan.
6. Nakakatawa naman ang “Silip” (62) sa pamamagitan ng pagsakay sa ideyang nakikita ng Diyos ang lahat na nangyayari at walang maitatago ang tao. Sa harap ng nakakaasiwang realisasyong ito, wala nga namang magagawa ang tao kundi biruin ang Diyos sa sarili niyang laro: “At oo, / maaari nating itigil ang romansahan, / ipagpaliban ang pagtatalik / sa ibang araw; at iwanang / bitin ang Diyos.”
7. Binigyang katawan ni Gracio ang konsepto ng lungkot sa “Ang Kalungkutan” (63). Tumatabi ito sa tao, nangungusap, nanghihipo, walang sawa sa pagsunod at napapawi lamang ang pagsasakarnal ng lungkot na ito kapag “nagsawa sa mga kuwento kong paulit-ulit”. Sa paraang ito lamang magtatago ang kalungkutan pero nandiyan lamang, kimkim-kimkim, hindi nawawala: “Ngayon, para ko na siyang matalik na kaibigan / o keridang itinatago ngunit mahal na mahal.”
8. Sa ikaapat na bahagi ng aklat, sinubukang bigyang sinag ni Gracio ang mga salaysay mula sa Bibliya. Apokripos samakatuwid ang mga tula bilang texto sa pagbibigay ng kakaibang mga interpretasyon sa mga salaysay sa Bibliya at paglikha ng mga sariling salaysay sa mga bahaging hindi nalinaw o naipahayag sa banal na aklat. Nariyan ang tahimik na pagmamaktol ni Lazaro na naunsiyami sa kanyang pagtulog; ang pagkalula ng mga apostoles sa rami ng taong kailangang buksan ang saradong mga puso; ang salaysay ng buhay ni Zaqueo, hindi ang bahaging nagkadaupang palad sila ni Hesus kundi habang hinaharap ni Hesus ang kamatayan; ang mapagpalayang biyaya ng ahas kontra “sa marahas na pag-ibig ng Diyos”; atbp.
May akda rin si Jerry B. Gracio ng Aves (2009).
April 3, 2010 at 5:06 am |
Wala akong kaugnayan kay Jerry Gracio pero hindi ko lang mapigilang magbigay ng puna sa mga naisulat mo. Kaibigan, mabuti sana ay isinasakonteksto mo ang pagbasa ng mga tula. Mahirap sabihing pangit sapagkat binabasa mo ito sa isang ispesipikong kalagayan ng iyong pag-iisip, sa kalagayan ng mga pumapaligid sa iyo, sa iyong ideological bias at iba pa. Ikaw na ang bahalang umintindi.
April 3, 2010 at 5:40 am |
Maraming salamat sa kumento. Sa aking mga puna, sinusubukan kong tukuyin kung ano ang magaganda at hindi magagandang katangian ng koleksiyon/aklat. Wala namang pamantayang unibersal sa pagbasa. Ang maganda, nagkakaroon ng iba’t ibang paraan ng pagbasa–pagsasakataga at pagpapamalay– sa mga katangian ng aklat na maaaring magbigay ng katangian o identidad sa espesipikong panahon kung kailan lumabas ang aklat at ang rebyu.
Maraming salamat muli sa kumento.
May mairerekomenda ka bang pahina na may rebyu rin sa parehong aklat ni Gracio? Baka sa kalaunan lagyan ko ng link ang mga entries para mas maraming paraan ng pagbasa ang mabasa.